May isang mayamang ama na may dalawang anak na kapwa lalaki. Hiniling ng bunsong anak na ang manang kanya sa kayamanan ng kanyang ama ay ibigay na sa kanya. Nang makuha na ng bunso ang kanyang mana ay ipinagbili niya agad ito makalipas lamang ang ilang araw. Matapos ito ay umalis siya at nagtungo sa malayong bayan. Dito niya walang habas na nilustay ang kabuhayang ipinagkaloob ng ama. Hindi nagtagal, naubos na lahat ang kanyang salapi. Nang dumating ang taggutom sa bansang iyon ay isa na siyang pulubi. Namasukan siya bilang tagapag-alaga ng mga baboy. Dahil sa gutom, nais na niyang kainin pati pagkain ng mga baboy na alaga niya. Ngunit maging ito ay ipinagkakait din sa kanya ng kanyang amo. Sa ganitong kalagayan, naisip niya ang kanyang ama. Ang mga manggagawa nito ay kumakain nang maayos habang heto siya na nagugutom at walang makain. Agad siyang nagpasyang bumalik sa dating tahanan. Gayon na lamang ang galak ng kanyang ama. Sinalubong nito ng yakap at halik ang nagbalik na anak. "Ama, nagkasala ako sa Diyos at sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat na maging anak mo. Ituring mo na lang akong isa sa iyong mga alila," sabi ng anak sa ama. Ngunit inutusan ng ama ang mga alila na linisan at bigyan ang anak ng pinakamagarang kasuotan. Ipinasuot din niya rito ang isang mamahaling singsing, at binigyan ng sapatos para sa kanyang mga paa. Ipinagpatay din siya ng isang matabang baka at sa ngalan niya ay nagkaroon ng isang pagdiriwang. "Ang anak ko ay nawala at ngayon ay nagbalik. Ipagdiriwang natin ang kanyang pagbabalik," ang sabi ng nagagalak na ama. "Akong masunurin ninyong anak na buong katapatang naglilingkod sa inyo ay hindi ninyo naipagpatay kahit isang guya man lamang. Ngayong dumating ang alibugha ninyong anak na lumustay ng inyong kayamanan ay gugugol kayo nang malaki at magdiriwang!" Sumagot nang marahan ang ama, "Anak ko, ikaw ay lagi kong kapiling. Ang lahat ng akin ay iyo. Tayo'y nagsasaya ngayon sapagkat ang kapatid mong namatay ay muling nabuhay. Siya ay nawala at muli nating nakita." (责任编辑:) |